Pagbabawal sa mga nakatatanda na lumabas ng bahay ngayong Covid-19 pandemic, kinuwestyon sa Korte Suprema ng isang senior citizen
Dumulog sa Korte Suprema ang isang senior citizen para kwestyunin ang pag-quarantine ng gobyerno sa kanilang mga nakatatanda ngayong may umiiral na community quarantine bunsod ng Covid-19 pandemic.
Sa kanyang petisyon, tinawag ng petitioner na si Eugenio Insigne na “cruel,” “insensitive,” at “inhuman” ang pagbabawal sa mga senior citizen na makalabas ng bahay ngayong pandemya.
Binigyang- diin ni Insigne na abogado at presidente ng isang human rights organization na walang basehan sa batas at Konstitusyon ang pag-quarantine sa mga may edad.
Anya nilalabag ng quarantine ang karapatang pantao ng mga nakatatanda na ginagarantyahan ng Saligang Batas at international human rights law.
Pinagkakaitan din anya ang kalayaan nilang senior citizen dahil sa restriksyon sa kanila na dahil lamang sa takot na mahawan sila ng virus at makahawa sa ibang tao.
Ayon pa kay Insigne, labag din ang quarantine sa equal protection clause at right to due process ng mga senior citizen.
Dapat anya ang pagbawalan lamang ay ang mga senior citizen na may edad 70 taong gulang pataas.
Sinabi pa ng Insigne na batay sa mga pag-aaral may matinding negatibong epekto sa mental at psychological state ng senior citizens ang quarantine.
Dahil dito, hiniling ng petitioner sa Korte Suprema na ipatigil at ipabawi ang mga kautusan ng pamahalaan na pagbawalan ang mga senior citizen na lumabas ng bahay.
Moira Encina