Pamamagitan ni Pangulong duterte, hindi garantiya na makukuha ni Marinduque Congressman lourd Allan Velasco – Malacañang
Hindi garantiya ang ginawang pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makuha ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco ang speakership sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malinaw ang posisyon ni Pangulong Duterte na ang mayorya parin ng mga kongresista ang magluluklok kay Velasco sa pagiging speaker.
Ayon kay Roque sa naganap na meeting ng Pangulo kina Speaker Alan Peter Cayetano at Congressman Velasco sa Malakanyang kamakailan ay nais ng Presidente na matupad ang term sharing agreement sa speakership.
Sa term sharing agreement na mismong ang Pangulo ang nagbroker noong mag-umpisa ang 18th congress 15 buwang uupo bilang speaker si Cayetano na magtatapos ngayong buwan ng Oktobre at 21 buwang uupo si Velasco bilang speaker.
Inihayag ni Roque dahil sa nangyaring botohan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ibinasura ang pagbibitiw ni Cayetano bilang speaker ay ayaw ng makialam ng Pangulo dahil itinuturing itong panloob na usapin sa co-equal branch ng gobyerno.
Batay sa kasunduan sa pulong sa Malakanyang sa October 14 pa dapat bababa sa puwesto si Cayetano subalit sa hindi malinaw na kadahilan ay naghain siya resignation nitong September 30 na tinutulan ng 184 na kaalyadong kongresista sa pamamagitan ng nominal voting sa plenaryo.
Vic Somintac