Publiko, pinasalamatan ng Malakanyang sa mataas na Trust at Approval rating ni Pangulong Duterte sa gitna ng Covid-19 Pandemic
Tumaas ang approval at trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng pananalasa ng pandemya ng Covid-19 sa bansa.
Dahil dito pinasalamatan ng Malakanyang ang publiko sa patuloy na pagbibigay ng tiwala kay Pangulong Duterte na pangunahan ang bansa sa pagharap sa krisis pangkalusugan at ekonomiya dahil sa Covid-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang pagtaas pa ng Trust at Approval rating ng Pangulo ay kahayagan lamang na tama ang ginagawang pagtugon ng gobyerno sa pandemya ng Covid-19.
Ayon kay Roque nakikita ng publiko ang patuloy na pagmamalasakit ng gobyerno para harapin ang problema na nagdulot na ng pagkasira ng buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
Batay sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia na isinagawa noong September 14 hanggang September 20 na nilahukan ng 1,200 adult repondents sa buong bansa, nakakuha si Pangulong Duterte ng 91 percent trust at approval rating kumpara sa 87 percent record noong December 2019.
Samantalang sina Senate President Vicente Sotto ay nakuha ng 84 percent trust at approval rating na sinundan ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nakapagtala ng 70 percent at pang-apat si Vice President Leni Robredo na may 57 percent na trust at approval rating.
Vic Somintac