Pangulong Duterte, hindi papayag na magiging reenacted ang 2021 National Budget kaya nagbabala sa Kongreso- Malakanyang
Malinaw ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya papayag na magiging re-enacted ang budget ng pamahalaan sa susunod na taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na diretsahang inihayag ng Pangulo na kung hindi magagawa ng mga kongresista ang kanilang trabaho na pagtibayin ang 2021 proposed National Budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso ay siya ang gagawa.
Ayon kay Roque napakahalaga para sa Pangulo ang 2021 National Budget dahil nakapaloob dito ang pondo na gagamitin sa patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa Pandemya ng Covid-19 at economic recovery program.
Magugunitang dahil sa bangayan sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lourd Allan Velasco kaugnay sa isyu ng term sharing agreement sa Speakership ay naaantala ang pagpapatibay ng National Budget sa third and final reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Una ng inihayag ni Roque na kung sakaling kapusin ng panahon ang senado na pagtibayin ang National Budget dahil sa gusot sa liderato sa mababang kapulungan ng kongreso ay handa ang Malakanyang na magpatawag ng special session sa December holiday break.
Vic Somintac