6 na Barangay, binaha dahil sa magdamag na pag-ulan sa Lucena City
Anim na Barangay sa Lungsod ng Lucena, Quezon ang nakaranas ng matinding pagbaha dahil sa walang humpay na pag-ulan kagabi.
Kabilang sa binaha ang mga Barangay 4, 5, 6, 10, Dalahican at Market View.
Ayon kay Lucena City Mayor Roderick Dondon Alcala, umabot sa 472 pamilya na may kabuang 1,300 indibiduwal ang naapektuhan ng pagbaha pasado alas 2:00 ng madaling araw.
Kahapon ng umaga nang mag-umpisang tumaas ang tubig-baha sa nasabing mga lugar pero mabilis din itong bumaba.
Pero kaninang madaling araw nang muling tumaas ang tubig-baha na nagbunsod upang lumikas na sa kani-kanilang bahay ang mga residente.
Ang Lucena City ay napapaligiran ng dalawang malaking ilog, ang ilog Iyam at Dumacaa kaya madalas ang mga pagbaha.
Samantala, ang mga apektadong pamilya ay kasalukuyang nasa evacuation centers pa sa na patuloy namang binibigyan ng ayuda ng Lucena LGU at Quezon Provincial government sa pangunguna ni Governor Danilo Suarez.
Allan Llaneta