Pondo ng DENR para sa Greening program kinuwestyon
Kinuwestyon ni Senador Imee Marcos ang paglobo ng pondo na hinihingi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa kanilang Reforestation program.
Tinukoy ni Marcos ang National Greening program na pinapopondohan ng DENR sa susunod na taon ng 5.15 billion pesos.
Mas mataas ito ng 60 percent kumpara sa budget ng programa ngayong taon na 3.15 billion pesos.
Pero kuwestyon ni Marcos, tanim lang nang tanim ang DENR at tusok nang tusok sa lupa pero wala naman aniyang tumutubong puno malinaw na nagsasayang lang sila ng pondo.
Taun-taon din aniyang hindi nakakamit ang mga mithiin ng programa sa kabila ng bilyon-bilyong pisong pondo katunayang nakakalbo pa rin ang mga kagubatan.
Sa National Greening program, target na maitanim ang 1.5 bilyong puno sa 1.5 milyong ektarya ng lupain mula nung 2011 hanggang sa sumapit ang taong 2028.
Sa report ni DENR Foreign Management Bureau Director Lourdes Wagan, nakapagtanim na ang DENR ng 1.7 bilyong puno sa 2-milyong ektarya.
Pero hindi kuntento si Marcos lalu’t sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na 23 percent lang ang forest cover sa Pilipinas at pinakamababa ito sa Asya.
Meanne Corvera