Disbursement ng pondo ng Agriculture Dept. para sa Covid-19 Pandemic, binatikos sa Senado
Nasermunan sa pagdinig ng Senado ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA).
Sa Budget hearing, para sa hinihinging 56. 8 billion budget ng DA sa 2021, kinukwestyon ng chairman ng komite na si Senador Cynthia Villar kung bakit walang isinusumiteng report ang departamento sa kanilang ginawa ng paggastos ng pondo para sa Covid-19 response sa ilalim ng Bayanihan Law.
Partikular na kinukwestyon ni Villar ang pondo para sa National Rice program sa ilalim ng National Rice Program and the Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Hinahanap ng Senador ang listahan ng mga probinsyang nabigyan ng inbred seeds at iba pang makina para sa food production.
Nais kasi ng Senador na malaman sa pamamagitan ng mga Local Government units kung nakatanggap talaga sila ng tulong mula sa gobyerno at matiyak na hindi nauuwi sa korapsyon ang pondo.
Kuwestyon pa ng mambabatas, bakit may overlapping rin sa programa ng DA dahil nagbibigay na sila ng inbred seeds sa ilalim ng RCEF pero bumibili at nagbibigay pa rin ng mga hybrid seeds na doble doble aniya ang gastos.
Sa programa, target ng gobyerno na mabigyan ng tulong ang mga magsasaka sa may 947 producing towns.
Samantala, kinumpirma nanan ni Agriculture secretary William Dar na tumaas ang Rice production ng 16% ngayong third quarter ng taon.
Ayon sa kalihim dulot ito ng malakas na suporta ng gobyerno sa agrikultura.
Sa Kadiwa at Ani at kita program lang aniya kung saan direktang bumibili ang LGU sa mga magsasaka ay umabot na sa mahigit 9 bilyong piso ang naitalang kita na nangangahulugan rin aniya ng mas malaking job opportunities .
Meanne Corvera