Malakanyang, dumistansiya sa paghahalal ng 186 Kongresista kay Marinduque Rep. Velasco bilang bagong Speaker
Itinanggi ng Malakanyang na may basbas si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang pagtitipon ng 186 na Kongresista sa Celebrity Sports Plaza upang ideklarang bakante ang posisyon ng House Speaker para ihalal si Marinduque Congressman Lord Allan Velasco bilang bagong Speaker kapalit ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nadala na si Pangulong Duterte sa magulong pulitika sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya ayaw na niyang makisawsaw pa matapos kausapin sina Cayetano at Velasco noong nakaraang linggo hinggil sa isyu ng term-sharing sa Speakership.
Ayon kay Roque, isa lang naman ang hiling ng Pangulo sa mga mambabatas kaya nagpatawag ng special session na ito ay ang mapagtibay ang 2021 National Budget sa ikatlo at huling pagbasa para matalakay na ng Senado at hindi magkaroon ng re-enacted Budget.
inihayag ni Roque na dapat isantabi ng mga mambabatas ang kanilang personal na interes at ipagpauna ang kapakanan ng bayan lalo na sa gitna ng pandemya ng COVID-19 kaya kailangan ng pamahalaan ang 2021 Budget na nagkakahalaga P4.5 trilyon.
Vic Somintac