P 10.8 million na halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat sa karagatang sakop ng Zamboanga del Sur
Aabot sa 10.8 milyong pisong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Philippine Drug Enforcement Agency sa karagatang sakop ng Zamboanga del Sur.
Ayon sa BOC, nagpapatrolya ang anti-smuggling team sa karagatan ng Tabina, Zamboanga del Sur nang masabat ang isang motorized banca na may pangalang FB NORMAY.
Ang bangka ay pag-aari ng isang residente ng Pangdan sa Kaluwa, Sulu.
Tinatayang nasa 300 master cases ng ibat ibang brand ng sigarilyo na iligal na ipinuslit sa bansa ang nasabat ng mga awtoridad.
Idedeliver sana umano ito sa isang “ASUL” na taga Pagadian City.
Ayon sa BOC, una silang nakatanggap ng impormasyon hinggil sa mga smuggled na sigarilyo na sakay umano ng FB NORMAY fishing boat at patungong Pagadian City.
Matapos matanggap ang impormasyon agad nakipag-ugnayan ang BOC sa Philippine Navy, PCG, PDEA at PNP.
Nabatid na ito ang unang beses na nakasabat ang BOC ng malaking halaga ng transhipment na sakay ng isang bangka sa Pagadian City.
Madz Moratillo