Yapak ni Manny Pacquiao sa tagumpay, sinundan ng isang Filipino UFC
Gaganapin sa Abu Dhabi sa katapusan ng linggong ito ang UFC debut ni Mark Striegl, ang tanging Philippine-based fighter sa UFC.
Ang 32-anyos na si Striegl ay nakabase sa Baguio city, na nasa hilagang bahagi ng Luzon at lugar kung saan din nagkaroon ng training camps ang tinaguriang pambansang kamao na si Senador Manny Pacquiao.
Sa ngayon, ang Baguio City ang tahanan ng mga gym gaya ng Shape Up Boxing at Team Lakay MMA, na naging host ng maraming top-class fighters, kabilang na si Pacquiao at ang Asia-based One Championship strawweight MMA world champion na si Joshua Pacio.
Ang four-fight UFC contract ni Striegl na may MMA record ng 18 panalo, ay magsisimula sa tunggalian nila ni Said Nurmagomedov ng Russia para sa bantamweight division, Linggo ng umaga sa “Fight Island” sa Abu Dhabi.
Ang nabanggit na laban na dapat sanay noong Agosto pa ay naantala matapos magpositibo ni Striegl sa Covid-19, dalawang araw bago ang laban na gaganapin sana sa Las Vegas base ng UFC.
Makalipas ang 10-araw na quarantine ay pinayagan na si Striegl na muling sumailalim sa training.
Isinilang sa Tokyo, si Striegl na may Amerikanong ama at Pinay na ina ay nagsimula sa karate at wrestling. Nagkolehiyo sa California bago nagpasyang maging MMA fighter at manirahan sa Pilipinas.
Nahubog sa regional fight promotions gaya ng One Fighting Championship ng Asia at Philippine-based Univeral Reality Combat Championship kung saan niya napanalunan ang featherweight belt, si Striegl din ang kasalukuyang Southeast Asian Games combat sambo gold medalist.
Ang UFC ang isa sa kauna-unahang international sports organisations na nag- restart sa kabila ng Covid-19 pandemic, kung saan nagset-up ito ng sports “bubbles” sa Florida, Las Vegas at sa Abu Dhabi.
© Agence France-Presse