Pagkakahalal ni Marinduque Rep. Velasco bilang bagong House Speaker, kinilala ng Malakanyang
Nagpaabot na ng pagbati ang Malakanyang sa pagkakahalal ng mayorya ng mga Kongresista kay Marinduque Congressman Lord Allan Velasco bilang bagong Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, opisyal nang mayroong bagong House Speaker matapos ratipikahan sa plenaryo ang ginawang election kay Velasco ng may 186 na Kongresista habang kusang nagbitiw na rin sa kaniyang puwesto si dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Roque, ikinatuwa ng Malakanyang ang pagkakaresolba ng gusot sa Speakership sa Kamara ilang oras bago ang pagsisimula ng special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil matututukan na ang layuning apurahin ang pagpapatibay ng 2021 Proposed National Budget na nagkakahalaga ng P4.5 trillion.
Ipinarating din ni Roque ang pasasalamat ng Malakanyang sa mga Kongresista na pinakinggan ang panawagan ng Pangulo na isantabi muna ang personal na interes at tinapos na ang problema sa House leadership upang makapagpokus sa pagpapatipay sa pambansang budget na lubhang kailangan ng pamahalaan sa pagtugon sa problemang idinudulot ng pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Roque na sa ilalim ng liderato ni Speaker Velasco ay wala nang balakid para mapagtibay on time ang National Budget.
Vic Somintac