Kautusan para sa pagbibigay ng 13th month pay inaasahang mailalabas na bukas ng dole
Makakaasa ng 13th month pay ang mga manggagawa sa bansa bago matapos ang taon.
Ito ang tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III, kasabay ng pahayag na bukas ay inaasahang mailalabas na nila ang kautusan para sa mga employer na tiyaking maibibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
Giit ni Bello hindi pwedeng ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay na dapat ay maibigay sa mga empleyado bago o sa Disyembre 24.
Para naman sa mga maliliit na negosyante o iyong nasa tinatawag na Micro Small and Medium Enterprises o MSME may mga inilatag ng paraan ang DOLE ayon kay Bello para matulungan sila.
Isa aniya rito ang pagbibigay ng subsidy sa kanila ng gobyerno at ang isa naman ay matulungan sila na makapagloan sa mga bangko.
Sa datos ng DOLE, nasa 3.5 milyong manggagawa sa bansa ang naapektuhan ng covid-19 pandemic at nawalan ng trabaho.
Pero sa bilang na ito ayon kay Bello ay wala pang 300,000 ang permanenteng nawalan ng trabaho.
Ang 1.9 milyon naman rito ay pansamantala lamang na nawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara ng pinagtatrabahuhan at inaasahang makakabalik rin sa trabaho.
Madz Moratillo