Tyronn Lue, pumayag nang maging susunod na coach ng LA Clippers
Pumayag na si Tyronn Lue, na maging susunod na coach ng Los Angeles Clippers.
Ayon sa mga ulat, si Lue na dating coach ng Cleveland Cavaliers ay pumayag nang palitan si Doc Rivers na umalis sa Clippers, higit dalawang linggo na ang nakalilipas.
Batay sa mga report, ang kontrata ay para sa limang taon.
Ang 43-anyos na si Lue ang lead assistant coach para sa Clippers sa nakalipas na season, nang matalo ang koponan sa Denver sa Western Conference semi-finals.
Inaasahang makakasama sa staff ni Lue, ang dating NBA player na si Chauncey Billups, na kandidato ring punan ang bakanteng pwesto ng coach para sa Indiana Pacers.
Na-promote si Lue noong 2016 para i-coach ang Cavs, kasunod nang pagpapatalsik kay David Blatt bilang coach, kung saan iginiya niya ang malakas na koponan ni LeBron James upang makuha ang korona ng NBA.
Napabalitang makakasama rin sa staff ni Lue si Larry Drew, na naging assistant niya sa Cleveland.
Si Lue, na dalawang ulit naging NBA champion bilang isang manlalaro at tumulong sa Los Angeles Lakers para makuha ang NBA crown noong 2000 at 2001, ang ika-anim na Black head coach ng NBA.
© Agence France-Presse