NBC, binatikos ng Hollywood stars, matapos bigyan ng airtime si US President Donald Trump
Binatikos ng mga Hollywood stars gaya nina Barbra Streisand, Ben Stiller, Julia Louis-Dreyfus, at J.J. Abrams ang NBC, matapos bigyan ng airtime ang isang Donald Trump town hall event, na kasabay ng oras ng katunggali nitong si Joe Biden.
Una nang tumanggi si Trump na lumahok sa isang virtual debate, sanhi para magtakda si Biden ng isang solo town hall event na ipalalabas sa rival network ng NBC na ABC.
Sa isang open letter sa NBC Universal executives na nilagdaan ng higit 100 mga aktor, manunulat at direktor, nakasaad na labis nilang ipinagdamdam na binigyan ng NBC ng airtime ang town hall event ni Trump, na kasabay ng kay Biden.
Sa liham na may lagda rin ng maraming dati at kasalukuyang kawani ng NBC network, iginiit nila na hindi naman nila nais na alisan ng airtime si Trump, kundi nananawagan na muli itong i-reschedule, upang magkaroon ng pagkakataon ang mga botante na kapwa mapanood ang dalawa.
Kabilang pa sa lumagda sa naturang liham sina Julianne Moore, Seth Rogen at Aaron Sorkin.
Ang dalawang town hall event na tuloy-tuloy na ipalalabas nang magkasabay, ay gaganapin 19 na araw bago ang eleksyon sa Estados Unidos, kung saan humihina na ang reelection bid ni Trump.
Batay sa isang RealClearPolitics poll average, nangunguna na si Biden ng 9.2 points sa buong Amerika, at nakaungos na rin sa ilang pangunahing estado.
© Agence France-Presse