Pagbibigay ng permit para sa importasyon ng bigas sa panahon ng anihan, hiniling na ipagbawal
Inoobliga ni Senador Cynthia Villar ang Department of Agriculture na huwag mag-isyu ng permit para sa importasyon ng bigas at mais sa panahon ng harvest season.
Sa harap ito ng pagbaha ng imported na bigas at mais dahilan kaya bagsak ang kita ng mga magsasaka.
Sa pagdinig sa Senado para sa hinihinging 86. 3 billion na budget ng DA sa susunod na taon, kinastigo ng mga Senador ang mga opisyal ng kagawaran dahil sa pag-isyu ng permit to import lalo na tuwing Setyembre hanggang Oktubre gayong ito ang panahon ng anihan sa bansa.
Giit ng mga Senador, napipilitan ang mga local farmers na ibenta ng mas mura ang ani dahil wala silang sapat na warehouse at drying facilities para i-imbak ang kanilang mga naaning palay o bigas.
Bukod sa bigas at mais, pinababantayan ni Senador Imee Marcos sa Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga smuggled na poultry products tulad ng karne ng manok kasama na ang mga isda.
Ang smuggling aniya hanggang ngayon ang dahilan kaya nasisira ang negosyo ng mga nasa local poultry at fisheries industry.
Meanne Corvera