Pagpapaikli ng curfew hours mula 12:00 ng hatinggabi hanggang 4:00 ng umaga, inirekomenda ng Metro Mayors
Nagkasundo na ang mga alkalde sa Metro Manila na paikliin ang oras ng curfew bilang bahagi ng pagpapaluwag ng Quarantine restrictions ngayong may Covid-19 Pandemic.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ito’y para unti-unti nang maibalik ang sigla ng mga negosyo lalo na sa Metro Manila.
Sa inirekomendang curfew ng Metro Mayors, magsisimula na lamang ito ng alas-12:00 ng hatingabi na tatagal hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Maaari aniya itong maging epektibo ngayong linggo oras na maayos ang ordinansa ng mga Local Government units.
Gayunman, ang Navotas ay mananatili ang alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw na curfew.
Mas marami umano kasi ang residential area sa Navotas kumpara sa industrial site.
Taliwas naman sa naunang 15-65 years old, lilimitahan muna sa 18-65 taong gulang ang mga residenteng maaaring lumabas ng bahay.
Ang isyung ito aniya ay natalakay na ng Metro Mayors sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Maaari pa aniyang mapaikli hanggang alas-3:00 ng madaling araw ang curfew pagsapit ng Disyembre kung saan inaasahang mas maraming aktibidad sa Metro Manila.
Ngayong linggo, iaanunsyo na rin ang mga negosyo ng maaaring buksan kasama na ang ruta ng mga sasakyan.
Sa kabila ng mga ipatutupad na pagluluwag sa restrictions, mananatili sa General Community Quarantine ang Metro Manila.
Nais aniyang makatiyak ng mga alkalde na hindi magkakaroon ng biglang pagtaas ang kaso ng human transmission ng virus.
Apila rin ng mga alkalde, dapat munang iwasan ang mga leisure at gimik para tuluyang masugpo ang epidemya.
Meanne Corvera