Proseso sa pagpapauwi sa may 6,000 stranded OFWs, inaapura na
Pinagtutulungan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagsasaayos ng proseso para mapabilis ang pagpapauwi sa kanilang mga pamilya ang tinatayang anim na libong mga stranded na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Metro Manila dahil sa pagkakaantala ng kanilang PCR swab test result dulot ng pagkalas ng Philippine Red Cross sa pagsasagawa ng Covid- 19 test.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa ibang testing laboratories para magsagawa ng PCR swab test sa mga stranded na OFWS.
Ayon kay Roque, mayroong 113 na PCR swab test laboratories na maaaring sasalo sa iniwang trabaho ng Philippine Red Cross matapos lomobo ang pagkakautang ng Philihealth sa halagang 930 milyong piso sa pagsasagawa ng testing.
Inihayag ni Roque na malaking kawalan sa proseso ang pagkalas ng Philippine Red Cross dahil sila ang nagsasagawa ng PCR swab test sa mga OFWS na bumabalik sa bansa at sa loob lamang ng tatlong araw ay nailalabas na ang resulta kaya mabilis ang proseso ng pagpapauwi sa kanilang pamilya.
Niliwanag ni Roque na inaayos na ang pagbabayad sa Philippine Red Cross para makabalik sa pagsasagawa ng PCR swab test sa mga OFWs na patuloy na dumarating sa bansa.
Vic Somintac