US astronaut, bumoto mula sa space station
Isang US astronaut ang bumoto mula sa International Space Station, para sa presidential election sa kabila nang 253 milya (408 kilometro) ang layo nya sa mundo.
Sa pamamagitan ng Twitter account ng NASA, ay ibinahagi ang pagboto ng crew member na si Kate Rubins, na nagsimula na noong isang linggo sa kaniyang anim na buwang pananatili sa orbiting station.
Makikita sa post ang larawan ni Rubins, sa harap ng isang white enclosure na may paper sign kung saan nakasulat ang mga salitang “ISS voting booth.”
Ang proseso ay inilarawan ng NASA at ni Rubins, na isang uri ng absentee voting.
Isang secure electronic ballot mula sa clerk office sa Harris County, tahanan ng Johnson Space Center ng NASA sa Houston, Texas, ang ipinadala sa ISS sa pamamagitan ng email.
Matapos itong sagutan ni Rubins ay muli itong ipinadala pabalik sa clerk office.
Hindi na bago kay Rubins ang pagboto habang sya ay nasa kalawakan, dahil bumoto na rin siya habang nasa ISS noong 2016 election.
Noong 1997, ay ipinasa ng Kongreso ng America ang isang batas na nagpapahintulot ng pagboto mula sa kalawakan.
Sa isang video bago ang launching ng Russian-operated Baikonur cosmodrome sa Kazakhstan noong October 14, kung saan kasama ni Rubins ang dalawang Russian cosmonauts, ay sinabi nito na ikinukonsidera nila na isang karangalan na makaboto mula sa kalawakan.
Samantala, tatlong American astronauts pa ang inaasahan ding boboto mula sa kalawakan, subalit naantala ang kanilang October 31 trip sa ISS.
© Agence France-Presse