Oral arguments sa mga Anti-Terror law petitions naantala dahil sa dami ng petisyon, ayon kay Chief Justice Diosdado Peralta
Nagpaliwanag si Chief Justice Diosdado Peralta sa pagkaantala ng oral arguments sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Act.
Una nang inanunsyo ng Korte Suprema na target nilang maisagawa ang oral arguments sa ikatlong linggo ng Setyembre.
Sa online CJ Meets The Press, sinabi ni Peralta na hindi natuloy ang planong oral arguments noong nakaraang buwan dahil sa dami ng mga petisyon na inihain na umabot na sa halos 40.
Anya dahil sa madami ang mga petisyon ay marami rin ang mga lumulutang na isyu kaya hindi sila agad nakapagtakda ng petsa ng nasabing proceeding.
Kaugnay nito, inihayag ni Peralta na iminungkahi nila sa mahistrado na member-in-charge sa Anti- Terror petitions na maglatag ito ng “common issues” na tatalakayin sa oral arguments.
Pagkatapos anya nito ay magpapatawag ng preliminary conference at saka ng mismong oral arguments.
Umaasa si Peralta na sa pagbabalik ng kanilang regular en banc session sa November 3 ay maisusumite na ng member-in-charge ang mga common issues.
Tiniyak naman ng punong mahistrado na sa kalagitnaan ng Nobyembre ay mareresolba na nila ito at mailalabas na ang pinal na petsa ng oral arguments.
Ipinanukala din anya ng mga mahistrado na dahil sa dami ng mga petitioners ay mag-atas na lamang ang mga ito ng isang abogado na magsasalita para sa kanilang lahat.
Nais ng mga petitioners na ipawalang bisa ang buong batas o ang ilang probisyon dahil sa pagiging kwestyonable at paglabag sa Konstitusyon.
Moira Encina