Mga magulang ng mga estudyanteng aktibista na nirecruit umano ng NPA, umapilang baligtarin ang desisyon na nagbasura sa kanilang petisyon laban sa Anakbayan
“Hands off our children”…..
Ito ang sigaw at ang nakasulat sa mga tarpaulin ng mga magulang ng mga estudyanteng aktibista na sinasabing nawala at ni-recruit ng mga militanteng grupo para maging miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa kanilang pagtungo sa Korte Suprema, bitbit din ng mga magulang ang mga larawan ng kanilang mga anak na mga dating aktibista pero ngayon ay miyembro na umano ng NPA.
Emosyonal ang mga magulang sa kanilang pagdulog muli sa Korte Suprema para maghain ng motion for reconsideration.
Ito ay matapos na ibasura ng SC ang petition for writs of amparo at habeas corpus na inihain ng mga magulang ng disi-nuebe anyos na si Alicia Jasper Lucena o AJ laban sa Anakbayan.
Ayon sa ina ni AJ na si Mrs. Relissa Lucena, nagkamali ang Korte Suprema sa desisyon nito dahil 16 years old lamang ang anak niya nang marecruit at mabrainwash ng Anakbayan hanggang sa ito ay lumayas sa kanilang bahay.
Sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi na hindi nawawala si AJ dahil ito ay nanunuluyan sa Anakbayan at sa mga opisyal nito.
Hindi rin daw napatunayan ng mga magulang na ikinukulong o hinahadlangan ng Anakbayan ang kalayaan ni AJ.
Sumapit na rin daw sa hustong gulang at hindi na menor de edad si AJ kaya may kalayaan na ito na pumili kung kanino nito gusto sumama.
Sa kanyang mosyon, hiniling ni Mrs. Lucena na irekonsidera ng Korte Suprema ang kanilang apela dahil ang nais lang niya ay makita ang anak niya na buhay.
Binigyang-diin naman ng mga magulang na walang masama sa pagiging estudyanteng aktibista.
Nanawagan din ng mga magulang ang mga kapwa nila magulang na bantayan ang kanilang mga anak laban sa pag-brainwash ng mga makakaliwang grupo.
Una na ring ibinasura ng DOJ ang hiwalay na reklamo na kidnapping na inihain nina Ginang Lucena laban sa Makabayan bloc kaugnay sa sinasabing pagkawala ng mga student activist.
Moira Encina