Libreng online course para sa mga Pinay entrepreneurs, inilunsad ng US Embassy
Mahigit 100 Filipinang negosyante ang inaasahang magtatapos ngayong taon sa libreng online course ng US Government para sa mga kababaihang entrepreneurs sa bansa.
Ito ay kasunod ng paglulunsad ng US Embassy sa Academy for Women Entrepreneurs (AWE).
Bahagi ito ng Women’s Global Development and Prosperity (W-GDP) Initiative ng White House na layuning matulungan ang mga kababaihan sa buong mundo na makamit ang kanilang economic potential, stability, at security.
Ayon sa US Embassy, ang American Corner Bacolod at American Corner Marawi ang mangangasiwa sa libreng Massive Open Online Course (MOOC) para sa mga babaeng entreprenuer at early-stage business owners.
Tatlo pang lungsod sa bansa ang inaasahang maglulunsad din sa nasabing programa sa 2021.
Sinabi ng American Corner Bacolod na makatutulong ang academy para makabuo ng network ang mga Pinay aspiring business owners, mga nanay, at maging ang mga out-of-school youth.
Inihayag naman ng American Corner Marawi na napapanahon ang programa para magabayan at ma-empower ang mga babaeng negosyante sa pag-adapt sa bagong business normal.
Moira Encina