Sinibak na Government Corporate Counsel, ipinapatigil sa Korte Suprema ang paglalabas ng pondo at paggamit ng emergency powers ng Pangulo sa ilalim ng Bayanihan 2
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Dating Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado para ipahinto ang paggamit ng emergency powers ng Pangulo at paglabas ng gobyerno ng pondo sa ilalim ng RA 11494 o Bayanihan Act 2.
Sa kanyang petisyon, hiniling ni Jurado na mag-isyu ang Supreme Court ng TRO para ipatigil ang pagpapatupad sa mga probisyon sa Bayanihan 2 dahil sa nagpaso na raw ang batas noong October 12 nang mag-adjourn ang Kongreso.
Ayon sa petitioner, nakasaad sa batas na epektibo ang Bayanihan 2 hanggang sa susunod na adjournment ng 18th Congress sa December 19, 2020.
Pero iginiit ni Jurado na hindi na umiiral ang batas nang ilipat ang adjournment ng Kongreso noong October 12.
Paliwanag niya nag-adjourn ng regular session ang Kamara noong October 12 nang magpatawag ng special session si Pangulong Duterte mula October 13 hanggang 16.
Ito ay sa kasagsagan sa isyu ng liderato sa Kamara sa pagitan ni dating House Speaker Allan Peter Cayetano at kasalukuyang Speaker Lord Allan Velasco.
Dahil dito ay ipinunto ni Jurado na dapat nang itigil ng pamahalaan ang implementasyon ng Bayanihan 2 dahil wala na ang nasabing batas na batayan ng kanilang mga aksyon.
Moira encina