Pamilya ng OFW na minaltrato sa Brazil, desididong magsampa ng kaso
Desidido ang pamilya ng Overseas Filipino worker (OFW) na namaltrato sa Brazil na magsampa ng kaso laban kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Ayon kay Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, nakausap nya ang anak at mismong ang OFW na si Ginang Leonila de Ocampo na kasalukuyang naka-Quarantine sa kanilang bahay sa Cotabato.
Handa aniya itong magbigay ng affidavit at iba pang detalye sa ginawang pang-aabuso sa kaniya pagkatapos ng Quarantine period.
Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri:
“She’s in good spirit, yun nga lang nawalan siya ng trabaho matapos ang pangyayaring iyon. Meron naman po silang pondo para sa ganitong klaseng pangyayari kung may abuso. Under Quarantine muna siya for 14 days kaya naka-isolate muna siya until lumabas ang kanyang swab result”.
October 26 aniya nang dumating sa bansa si De Ocampo.
Pero bago ito umuwi sa bansa, dumulog na sa kaniyang tanggapan ang anak ng biktima.
Naniniwala si Zubiri na hindi na magpapa-areglo si De Ocampo dahil malinaw naman sa mga ebidensya ang ginawang pagmaltrato laban dito.
“Alam mo marami sa ating OFW na bread winner ng pamilya so pag nawalan sila ng trabaho or nakatikim sila ng abuso o maltreatment sila po ang pinaka-kawawa kasi wala na silang maitutulong sa kanilang pamilya”.
Meanne Corvera