Ilang Anti-Terrow law petitioners muling nanawagan sa Korte Suprema na agad na mag-isyu ng TRO laban sa implementasyon ng kontrobersyal na batas
Kinalampag ng Makabayan Bloc ang Korte Suprema para aksyunan na ang mga petisyon laban sa Anti- Terrorism law.
Ang Makabayan bloc sa Kamara ay isa sa mga naghain ng petisyon para ipawalang-bisa ang Anti- Terror Act.
Sa inihain nilang mosyon, muling hiniling ng mga militanteng kongresista sa Supreme Court na agad nang magpalabas ng TRO para pigilin ang implementasyon ng Anti- Terror law
Ayon sa Makabayan, lalong tumindi ang red-tagging o terrorist-tagging sa kanila at sa iba pang mga progresibong grupo ng militar, pulisya, at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict kaya kailangan nang mag-isyu ng TRO ang SC.
Tinukoy ng mga petitioners na nangyari ang pagtindi ng pag-akusa sa kanila bilang mga komunista at terorista nang kwestyunin ng Makabayan sa budget deliberations sa Kamara ang Php16.44B “generals’ pork.”
Inamin din daw ng militar na under surveillance ang lahat ng miyembro ng Makabayan bloc.
Giit nila ang mga pangyayaring ito ay patunay na may banta sa kanilang buhay at seguridad, at “under attack” ang kanilang kalayaang politikal.
Una nang inihayag ni Chief Justice Diosdado Peralta na bago ang kalagitnaan ng Nobyembre ay makapagtatakda na sila ng petsa ng oral arguments sa mga Anti- Terrow law petitions.
Naantala anya ang oral arguments dahil sa dami ng petisyon at kailangan munang mailatag ang lahat ng mga isyung tatalakayin sa oral arguments.
Moira Encina