Hindi bababa sa 10 nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Rolly’ sa Bicol region dahil sa Category 5 winds – NDRRMC
Hindi bababa sa sampu katao ang napaulat na nasawi matapos manalasa ang Super Typhoon “Rolly” sa Bicol region, dahil sa napakalakas na Category 5 winds na maihahalintulad sa Super Typhoon Haiyan noong 2013.
Ang bagyong “Rolly” ay may maximum sustained winds na higit 225 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 310 kilometers per hour, nang tumama ito sa Bicol region. Una itong nag-landfall sa Bato, Catanduanes kahapon, Linggo at ang ikalawang landfall ay alas 7:20 ng umaga sa Tiwi, Albay.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, na siya ring administrator ng Office of the Civil Defense, na tinitipon pa nila ang ibang ibang mga ulat, kabilang na ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian, imprastraktura at agrikultura sanhi ng bagyong “Rolly.”
Ayon naman kay Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG), nabawasan ang bilang ng casualties dahil sa isinagawang preemptive evacuation.
Halos 100,000 ang maagang inilikas bago pa manalasa ang bagyong “Rolly” sa main island ng Luzon, partikular sa Bicol region.
Kagabi ay humina at naging isang tropical storm na lamang ang bagyong “Rolly,” at inaasahang lalo pa itong hihina bago lumabas ng bansa bukas ng umaga, Martes, Nov. 3.
Liza Flores