UN pinuri ang ‘progreso’ sa pagsisimula ng pulong ng magkakatunggaling pwersa ng militar sa Libya
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinimulan na ng magkalabang military officers ang pag-uusap sa Libya, kasunod ng isang ceasefire agreement noong nakaraang linggo, at tinalakay ang implementasyon ng kasunduan.
Sa pagtatapos ng unang araw ng pag-uusap, sinabi ni Stephanie Williams, United Nations (UN) acting envoy sa naturang North African nation, na maraming naisulong sa ginanap na pag-uusap.
Dagdag pa ni Williams, ang tapang at determinasyon sa pagitan ng mga nasabing opisyal ang kailangan para sa kanilang political class.
Ang tatlong araw na pulong ng joint military commission ay ginanap sa Ghadames, isang desert oasis may 465 kilometro sa timog kanluran ng Tripoli, kapitolyo ng Libya.
Ang liblib na lugar, malapit sa border ng Libya sa Algeria at Tunisia ay malayo sa power bases ng magkabilang panig.
Ang military commission ay tinawag na “5+5”, dahil binubuo ito ng limang opisyal mula sa magkabilang kampo.
Ayon kay Williams, kung hindi man 5+5, ito ay Committee of Ten, o isang tunay na joint Libyan committee.
Ang nasabing pulong ay kasunod ng kasunduan noong October 23, nang lagdaan ng dalawang magkatunggaling paksyon ang isang “permanent” ceasefire agreement na may layuning bigyan ng daan ang isang political solution sa kaguluhan sa Libya.
Sinabi ni Williams, na naroon sa ginawang pag-uusap ang determinasyon na ipatupad ang ceasefire agreement.
Ang Libya, na may pinakamalaking crude oil reserves, ay halos isang dekada nang dumaranas ng hidwaan, matapos mapatalsik at mapatay ang diktador na si Moamer Kadhafi, sa naganap na pag-aalsa noong 2011 na suportado ng North Atlantic Treaty Organization o NATO.
Mula noon ay dinomina na ito ng mnga armadong grupo at nahati sa dalawang magkalabang administrasyon, ang Government of National Accord o GNA na kinikilala ng UN na nakabase sa Tripoli, at ang katunggaling administrasyon sa silangan na suportado ng military strongman na si Khalifa Haftar.
Si Haftar, na suportado ng Egypt, Russia at the United Arab Emirates, ay naglunsad ng isang opensiba sa Tripoli noong April 2019, subalit binuweltahan at nadaig ng GNA noong June, na sinuportahan ng Turkey military.
Ang magkalabang paksyon ay muling bumalik sa negotiating table noong Setyembere na suportado ng UN, na ang mga negosasyon ay ginawa sa Morocco, Egypt at Switzerland.
Sa Nobyembre a-9, ang political leaders ay nakatakdang magsagawa ng face-to-face talks sa Tunisia.
© Agence France-Presse