Hindi bababa sa 20 patay sa pananalasa ng bagyong Rolly sa Pilipinas
Libo-libong mga tahanan ang sinira ng pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong taon, at hindi bababa sa 20 katao naman ang nasawi, habang hindi pa rin naibabalik ang komunikasyon sa mga lugar na lubhang naapektuhan nito.
Ang Catanduanes Island at kalapit na lalawigan ng Albay ang pinakamalubhang tinamaan ng bagyong Rolly, na may maximum sustained wind speeds na 225 kilometro o 140 milya bawat oras, nang manalasa ito sa east coast noong Linggo.
Nagbagsakan ang mga linya ng kuryente, at nagbunsod din ng mga pagbaha at landslide na tumabon sa mga bahay, ang napakalakas na hangin at malakas na ulan habang nananalasa ang bagyong Rolly sa magkabilang panig ng timugang bahagi ng Luzon.
Humina naman ito habang papalabas sa South China Sea.
Sinabi ni Philippine Red Cross chief at Senator Richard Gordon, na nasindak sila sa pinsalang dala ni Rolly sa maraming lugar kabilang na ang isla ng Catanduanes at Albay.
Aniya, hanggang 90 porsyento ng mga bahay ang nagtamo ng malaking pinsala o tuluyang nasira.
Daan-daang libong katao ang lumikas bago pa dumating ang bagyo at marami sa kanila ang namamalagi pa rin sa evacuation centres, habang nag-uunahan ang mga awtoridad na ibalik ang suplay ng kuryente at serbisyo ng telekomunikasyon, sa mga lugar na pinaka sinalanta ng bagyo.
Labing-apat ang naitalang patay sa lalawigan ng Albay province, subalit sinabi ni provincial disaster chief Cedric Daep na kung hindi sila nagsagawa ng pre-emptive evacuations ay libong katao ang maaaring namatay.
Ayon kay Daep, nakapagtala sila ng extensive damage sa mga bahay at imprastraktura.
Pito sa mga biktima ang nasa isang bayan na nagkaroon ng landslide ng volcanic ash mula sa kalapit na aktibong Mayon volcano.
Sinabi naman ng alkalde ng Guinobatan, na nasa 147 mga bahay ang lumubog at ang ilan ay hindi na pwedeng tirhan.
Ang bagyong Rolly ay ibinilang na isang “super typhoon” nang tumama ito sa lupa ng Catanduanes kung saan hindi bababa sa anim katao ang nasawi, at sa pagtaya ng mga awtoridad, karamihan sa mga bahay at imprastraktura ay nagkaroon ng pinsala o nawasak.
Sa isang press briefing ay sinabi ni Catanduanes provincial Governor Joseph Cua, na lubha silang naapektuhan ng bagyong Rolly.
Karamihan aniya sa linya ng kuryente sa isla ay napinsala ng bagyo, at ang mga ulat mula sa mga bayan ay nagdadatingan pa, na nagpapahiwatig na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga pinsala.
Sa statement namang ipinalabas ng Civil Defense, nakasaad na higit 20 libong mga bahay ang nawasak at nasa 58 libo naman ang bahagyang napinsala, sa mga lugar na dinaanan ng bagyo. Kabilang din sa napinsala ang mga pananim.
Ang Pilipinas ay karaniwang tinatamaan ng 20 bagyo bawat taon, na tipikal nang sumisira sa mga pananim, mga bahay, at imprastraktura na nagpapahirap sa milyun-milyong katao.
Ang naitalang pinakamapaminsala ay ang Super Typhoon Yolanda (may international name na Haiyan) na naging sanhi ng mga higanteng alon na tumama sa Tacloban city at naging sanhi ng pagkamatay o pagkawala ng higit 7,300 katao noong 2013.
© Agence France-Presse