Nicaragua, binabayo ng Category 2 hurricane Eta
Ibinaba na sa Category Hurricane 2 si ‘Eta,’ bagamat patuloy pa rin nitong binabayo ang Nicaragua, sa pamamagitan ng napakalakas na hangin at napakaraming ulan.
Ang hurricane, na ibinaba na mula sa isang Category 4 storm habang kumikilos papasok ng Central America, ay nanalasa sa mahihirap na mga pamayanan ng mga katutubo sa baybayin at nagdulot ng matinding pag-ulan sa buong bahagi ng Gitnang America.
Sinabi ni Infrastructure Minister Oscar Mojica, na maraming puno ang natumba at lubhang naapektuhan ang daloy ng trapiko.
Taglay ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro bawat oras, nabunot ang mga puno at natuklap ang bubong sa mga bahay sa Bilwi, ang pinakamalaking bayan sa northeastern coast, na kilala rin sa tawag na Puerto Cabezas.
Pinabagsak din ng malakas na hanging dala ni ‘Eta’ ang kongkretong perimeter walls ng baseball stadium ng Bilwi, at nag-iwan ng bakas ng nagtumbahang mga puno, habang ang mga alagang hayop naman sa bukid at sa bahay ay naglisaw sa mga lansangan.
Wala namang iniulat ang Nicaraguan government na agad na namatay, habang ang mga awtoridad sa Honduras ay nagsabing isang maliit na batang babae ang nasawi nang gumuho ang isang bahay sa El Carmen slum sa northern San Pedro Sula, ang ikalawang pinakamalaking siyudad sa bansa, kung saan daan daang katao ang lumikas mula sa kanilang tahanan bunsod ng pagbahang dulot ni ‘Eta.’
Nagbabala ang US National Hurricane Center, na maaaring maging mapaminsala ang epekto ng ‘Eta’ sa rehiyon kung saan inaasahan ang mapapanganib na storm surge, mapaminsalang hangin, flash flood, at landslides sa magkabilang panig ng Central America, kabilang na ang Jamaica, southeast Mexico, El Salvador, southern Haiti at Cayman Islands.
Umapaw na rin ang Wawa river na nag-uugnay sa Bilwi sa iba pang bahagi ng bansa.
Si ‘Eta’ ay tinatayang patuloy na kikilos papasok sa kalupaan ng northern Nicaragua at central Honduras simula ngayong araw, Miyerkoles hanggang bukas, Huwebes.
Samantala, sa kahilingan na rin ng gobyerno, inihayag ng United Nations o UN World Food Programme (WFP), na nagpadala na sila ng 80 tonelada ng pagkain para ipamahagi sa rehiyon.
Nasa 100,000 katao ang naninirahan sa Bilwi at sa mga katabing komunidad sa baybayin na karamihan ay pinaninirahan ng indigenous Miskito at Mayagna, na kabilang sa mga pinakamahihirap sa Nicaragua.
Hinagupit naman ng malalakas na mga pag-ulan ang Caribbean ports ng La Ceiba at Tela, kung saan inilikas ng mga awtoridad ang higit 100 katao matapos tumaas ang lebel ng tubig mula sa mga ilog.
Sinabi ni El Salvador President Nayib Bukele, na higit 100,000 katao mula sa gobyerno, relief organizations, pulisya at army ang nakahandang tumulong sa mga mamamayan, habang at pagkatapos ang pananalasa ng hurricane ‘Eta’.
© Agence France-Presse