DOH nakikipag ugnayan na sa DTI para sa pagbuo ng magiging guidelines sa regulasyon ng COVID-19 testing sa bansa
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Department of Health sa Department of Trade and Industry para sa pagbuo ng draft ng guidelines hinggil sa magiging regulasyon ng COVID-19 testing sa bansa.
Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Duterte sa Executive Order 118 na nag-aatas sa DOH at DTI na magtakda ng price range para sa COVID-19 testing.
Kasama rito ang test kits na ginagamit sa mga ospital, laboratoryo, at iba pang health establishments at facilities na lisensyado ng DOH.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, malaking tulong ito para maprotektahan ang publiko mula sa hindi makatwirang singil ng ilang health establishments.
Sa kasalukuyang sitwasyon ay malaking pabigat aniya sa publiko ang mataas na halaga ng mga COVID-19 tests.
Dagdag pa ni Duque na sa pamamagitan ng EO na ito ay matitiyak ma magiging abot kaya ang halaga ng COVID-19 tests at test kits.
Ang nasabing EO ay kasunod narin ng rekumendasyon ng DOH na magkaroon ng price ceiling sa presyuhan ng mga COVID-19 test.
Sa oras na maaprubahan ang price ceiling ng COVID-19 testing ay magiging bahagi ng requirements sa pag aapplay ng lisensya ng mga ospital, laboratoryo at iba pang health facilities bilang COVID-19 testing centers.
Madz Moratillo