Bureau of Immigration todo bantay laban sa mga human trafficking ngayong lumuwag na ang travel restriction sa mga paalis na pinoy
Tiniyak ng Bureau of Immigration ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga sindikato ng human trafficking na maaaring magsamantala ngayong niluwagan na ang travel restrictions para sa mga paalis na Filipino.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kasabay ng pag-alis sa restrictions sa non-essential overseas travel para sa mga pinoy ay inatasan nya ang mga immigration officer na magdoble bantay sa pagsala sa mga paalis na Filipino.
Ang mga kaduda duda aniya ay dapat isalang sa secondary inspection.
Umapila naman ang opisyal sa publiko na huwag magpaloko sa mga human trafficker na ito dahil maaari lamang silang mapahamak sa ibang bansa.
Binalaan rin nito ang mga may planong magtrabaho sa ibang bansa gamit ang pekeng travel documents at magpapanggap na turista sa pag-alis sa bansa.
Ngayong 2020 lamang bago pa nagpalabas ng travel restriction ay nasa 300 pinoy na biktima ng human trafficking o illegal recruitment ang naharang ng BI.
Maging ang POEA, una na ring naglabas ng babala sa mga nais makapag trabaho sa ibang bansa na tiyaking may lehitimong travel documents gaya ng passports, working k visa at iba pa.
Madz Moratillo