Kontrata ni Jayson Tatum ng Boston Celtics at Donovan Mitchell ng Utah Jazz, na-extend
LOS ANGELES, United States (AFP) — Na-extend ang kontrata ni Jayson Tatum ng Boston Celtics at Donovan Mitchell ng Utah Jazz sa kani-kanilang koponan.
Ayon sa mga report, pumayag ang all-star guard na si Mitchell sa isang five-year contract extension sa Jazz na nagkakahalaga ng $163 million.
Dahil may increase sa extension deal, kayat magiging $195.6 million na ang magiging kabuuan ng limang taong kontrata ni Mitchell.
Ang dagdag na kita ay mapapasakamay ni Mitchell kapag nakuha nya ang all-NBA honors sa 2020-2021 season, ang huling taon ng kaniyang rookie-scale contract kung saan nakatakda siyang bayaran ng $5.2 million.
Si Mitchell, na ika-13 sa overall selection sa 2017 draft ay runner-up para sa Rookie of the Year honors sa kaniyang first season, at naging lead scorer na ng Utah mula nang pumasok siya sa liga.
Tinapos ng 24-anyos na manlalaro ang 2019-2020 season na may average na 24 points, 4.4 rebounds at 4.3 assists per game.
Naging star din ang 22-anyos na si Tatum sa last season, kung saan nakapag-set siya ng career highs nang maka-score ng 23.4 points per game, rebound na 7.0 per game at assists na 3.0 per game.
Ayon sa mga report, ang extension fee ni Tatum ay magkakahalaga ng $195 million sa limang taon.
Samantala, si De’Aaron Fox na isa pang “rising star” ng Sacramento Kings ay binigyan din ng kaniyang club ng isang maximum five-year extension.
Gayunman ayon sa reports, maaaring bitawan na ng Kings ang free agent na si Bogdan Bogdanovic, na lumagda ng isang four-year offer na nagkakahalaga ng $72 million sa Atlanta Hawks.
Dahil si Bogdanovic ay isang restricted free agent, mayroon lamang 48-oras ang Kings para tapatan ang offer ng Atlanta.
© Agence France-Presse