Trump, payag na sa Biden transition subalit hindi pa rin tinatanggap ang pagkatalo
Handa na ang administrasyon ni US President Donald Trump, para simulan ang transition process sa White House ni president-elect Joe Biden.
Aminado si Trump na panahon na para gawin ng General Services Administration (GSA) kung ano ang kailangan nilang gawin.
Subalit iginiit nito na hindi pa rin siya nagko-concede at itutuloy ang kanilang laban, at naniniwalang magwawagi.
Ayon sa tanggapan ni Biden, ibibigay na ngayon ng GSA ang kinakailangang suporta para sa smooth at peaceful tranfer of power.
Sinabi ni Yohannes Abraham, transition director ni Biden, na sa mga susunod na araw ay pagpupulungan na ng transition at federal officials ang pandemic responce, national security interests, at iba pang mahahalagang mga bagay.
Bago ito, ay inanunsyo ni Biden ang isang foreign policy at national security team na puno ng mga beterano mula sa panahon ni dating US President Barack Obama.
Nangunguna sa talaan ang dating State Department number two na si Antony Blinken, na inihahanda para maging secretary of state.
Pinangalanan din ni Biden ang kauna-unahang babaeng mamumuno sa intelligence, ang unang Latino na magiging hepe ng Homeland Security, ang unang babaeng magiging treasury secretary, at isang heavyweight pointman para harapin ang climate issues, ang Obama-era top diplomat na si John Kerry.
© Agence France-Presse