Limang malalaking vaccine developers, nakatakdang magsagawa ng Phase 3 clinical trials sa Pilipinas para sa COVID-19 prevention

Limang COVID-19 vaccines ang nakatakdang magsagawa ng kanilang clinical trials dito sa Pilipinas.

Ayon ito sa report ni Philippine COVID vaccine czar Carlito Galvez kay Pangulong Duterte.

Ang limang bakuna ay kabilang sa siyam na nakapagsagawa na ng Phase 3 clinical trials at nagpakita ng magandang resulta.

Ang limang vaccine developers na nakatakdang magsagawa ng clinical trials sa bansa ay ang mga sumusunod:


1. Sinovac ng China na nagdevelop sa vaccine na Coronvac;
2. Janssen Pharmaceutical Companies ng Johnson & Johnson;
3. Gamaleya National Center of Epidemiology and Microbiology ng Russia, na nagdevelop sa Sputnik V vaccine;
4. British–Swedish multinational pharmaceutical and biopharmaceutical company na AstraZeneca; at
5. CanSino Biologics ng China na pinili ang middle at lower-income countries kaysa Western nations para subukin ang bisa at kaligtasan ng kanilang COVID vaccine.

Ang Coronavac ng Sinovac, ay isang chemically-inactivated whole virus vaccine para sa COVID-19.

Patuloy naman na nag-e-enroll at nagbabakuna ng participants, ang Janssen Pharmaceutical Phase 3 ENSEMBLE study, ng single-dose regimen ng JNJ-78436735, ang investigational vaccine candidate na kanilang dinivelop.

Ayon sa Johnson and Johnson, ang “ENSEMBLE ay magpapatuloy sa pag-e-enroll ng hanggang 60,000 participants sa buong mundo.

Nauna namang ipinahayag ng CanSino Biologics ng China na nagdevelop sa Ad5-nCoV vaccine candidate, na magsasagawa ito ng Phase 3 clinical trials sa may 40,000 participants sa Russia, Saudi Arabia, Pakistan at Mexico.

Ang clinical trials ay nakatakda sa susunod na taon.

Sinabi ni Galvez, na may nauna nang 17 vaccine candidates na inaanalisa ang Philippine vaccine expert panel.

May bukod ding pakikipagnegosasyon ang gobyerno ng Pilipinas, upang bumili ng mga bakuna para una nang gamitin sa ilalim ng tinatawag na  emergency use authorization.

Gagawin ito sa sandaling lagdaan ni Pangulong Duterte ang isang executive order na magbibigay kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) upang gamitin ang mga bakuna sa emergency use, kung saan ang mga mahihirap at vulnerable sector, kabilang na ang frontliners at first responders, ang unang bibigyan ng bakuna.

Ayon kay Galvez, nakikipag-usap na sila sa apat na vaccine developers para sa pagbili ng mga bakuna, kabilang na yaong mga magsasagawa ng clinical trials sa bansa, at sa Pfizer na nagdevelop din ng isang vaccine candidate na sinasabing  95 percent effective base sa mga paunang resulta ng kanilang clinical trials sa US.

Liza Flores

Please follow and like us: