Compulsory vaccine programme para sa tennis tournaments, suportado ni Andy Murray
LONDON, United Kingdom (AFP) – Sinabi ni Andy Murray, na dapat munang sumailalim sa coronavirus vaccination ang mga tennis player bago payagang lumahok sa tournaments.
Dahil sa ang naka-schedule na mga laro ng tennis sa 2021 ay nahaharap sa hindi maiiwasang mga isyu ng COVID-19 pandemic, umaasa ang 3-time Grand Slam winner na magiging available na ang pinakahihintay na bakuna, at isang compulsory programme ang ilulunsad kaugnay nito.
Sinabi pa ni Murray na umaasa siyang lahat ng manlalaro ng tennis ay magiging handa na sumailalim sa bakuna, para na rin sa kabutihan ng lahat laluna kapag napatunayang ligtas ito.
Una nang naging laman ng headlines ang world number one player na si Novak Djokovic, dahil sa kaniyang mga komento kontra COVID-19 vaccines.
Kalaunan ay sinabi nito na hindi siya kontra sa bakuna, ngunit hindi nya gustong pwersahan siyang bakunahan.
Aminado si Murray, na mahirap pilitin ang mga manlalaro na magpabakuna subalit umaasang mangingibabaw ang “common sense.”
Aniya, ang magagawa na lamang sa ngayon ay hintayin ang magiging pasya ng Association of Tennis Professionals (ATP) at International Tennis Federation (ITF) tungkol dito, pero tiwala si Murray na sasang-ayon ang mga manlalaro kung ito ang magiging daan para bumalik sa normal ang torneo.
Ang mahigpit na quarantine rules sa Australia ay nagbunga ng pag-aalinlangan sa posibilidad na matuloy ang Australian Open, dahil ang magiging pinakamaagang pagdating ng mga manlalaro ay sa Disyembre na, at kailangan pang isailalim ng mga ito sa dalawang linggong quarantine.
Nagpapatuloy naman ang mga pag-uusap kung magagawa bang mag-training o magkaroon ng kompetisyon habang naka-quarantine, kayat inaasahan na ni Murray na ang tournament ay maaantala pa mula sa planong petsa ng pagsisimula nito sa January 18.
© Agence France-Presse