SC Justice Marvic Leonen itinanggi na humiling siya ng halos P5-M pondo para sa renovation ng kanyang cottage sa SC Compound sa Baguio City
Pinabulaanan ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang ulat na humiling siya ng halos limang milyong piso para sa pagkumpuni ng cottage na itinalaga sa kanya sa Supreme Court Compound sa Baguio City.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Leonen matapos na iulat sa isang pahayagan na humiling ang tanggapan niya sa Korte Suprema noong Hulyo ng mahigit
4.97-Million pesos para sa renovation ng Cottage G.
Sa isang statement, sinabi ni Leonen na hindi kailanman nag-endorso ang kanyang opisina ng nasabing panukalang 5 million pesos na renovation.
Ayon sa mahistrado, ang panukala ay binalangkas ng Maintenance Division ng Korte Suprema.
Nakasama anya ang nasabing renovation proposal sa agenda ng Supreme Court En Banc nang hindi dumaan sa kanyang tanggapan.
Paliwanag pa ni Leonen, nang kanya itong malaman ay agad siyang sumulat para hilinging bawiin ang nasabing panukala.
Kaugnay nito, hinimok ni Leonen ang media na maging maingat at beripikahin muna ang mga impormasyon bago ito iulat sa publiko.
Anya dapat matigil ang disinformation lalo na mula sa media.
Sa report ng Manila Times, sinabi na ang request-letter para sa renovation ay isinumite noong July 17 sa hepe ng Office of the Administrative Services at Procurement Planning Committee at may lagda ng Judicial Staff Head ni Leonen na si Atty. Jeanne Carla Ferrer-Becina.
Moira Encina