UK, hiniling na pag-aralan ang AstraZeneca vaccine
LONDON, United Kingdom (AFP) – Hiniling ng British government sa kanilang independent medicines regulator, na i-assess ang coronavirus vaccine ng AstraZeneca bilang bahagi ng pormal na approval para ito ay mailunsad na sa pagtatapos ng taon.
Higit isa punto apat na milyong katao na ang namatay mula nang lumitaw ang novel coronavirus sa China sa huling bahagi ng 2019, at tatlong drug developers ang kasalukuyang nag-a-apply para sa approval ng kanilang mga bakuna upang hangga maaari ay magamit na sa Disyembre ngayong taon.
Kinabibilangan ito ng Pfizer/BioNTech, Moderna at AstraZeneca/Oxford University.
Nakumpleto na ng AstraZeneca ang Phase III clinical trials ng kanilang bakuna, ang last stage bago ang regulatory approval.
Subalit sa ilalim ng patakaran ng Britanya, kailangan ding hingin ng gobyerno sa independent Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA) ang go signal para sa bakuna.
Sinabi ni Health Secretary Matt Hancock, na pormal na nilang hiniling sa regulator na i-assess ang Oxford/AstraZeneca vaccine, para maintindihan ang data at matukoy kung nasunod ba nito ang safety standards.
Nakuha na ng Britanya ang access sa 100 million doses ng bakuna na ginawa ng British drug manufacturer, kapartner ang University of Oxford.
Ayon sa department of health, inaasahan nilang magiging available na ang apat na milyong doses ng bakuna para sa Britanya sa pagtatapos ng 2019, at 40 milyon sa pagtatapos ng March 2021.
Kahapon ay sinabi ng AstraZeneca, na kakailanganin pa ng dagdag na pananaliksik sa bakuna, ngunit ang additional testing ay malamang na hindi makaapekto sa approval process.
Ang AstraZeneca vaccine ay nagpakita ng average 70-percent effectiveness.
Ngunit ang rate ay umakyat sa 90 percent, nang maibigay na ang paunang half-dose na sinundan ng full dose, katulad ng sa katunggali nitong bakuna na dinidevelop ng Pfizer/BioNTech at Moderna.
Ayon sa US scientists, ang higher rate ng effectiveness ay lumabas sa ginawang tests sa mga taong edad 55 pababa, at aksidente lamang na nadiskubre habang isinasagawa ang clinical trials.
Sinabi ni AstraZeneca chief executive Pascal Soriot, na ngayong natuklasan na nila ang tila mas mahusay na bisa ng bakuna, dapat nila itong patunayan kaya kailangang magsagawa ng dagdag na pag-aaral.
Bago ito, ay pormal na ring hiniling ng UK government sa MHRA na i-assess ang Pfizer/BioNTech vaccine.
© Agence France-Presse