Pilipinas, pumirma na ng kasunduan sa UK para makabili ng 2.6 milyong doses ng anti-Covid-19 vaccine ng Astrazeneca
Lumagda na ang Pilipinas ng kasunduan sa United Kingdom upang makabili ng dalawa punto anim na milyong doses ng anti COVID 19 vaccine ng AstraZeneca.
Ang tripartite agreement ay pinirmahan nina Secretary Carlito Galvez Chief Implementer ng Philippine Declared National Policy Against Covid 19, Secretary Joey Concepcion Presidential Adviser for Enterpreneurship at Lotis Ramin Country President ng AstraZeneca Pharmaceuticals Philippine Incorporated.
Ayon kay Secretary Galvez naisara ang kasunduan ng Pilipinas at United Kingdom sa pamamagitan ng tulong ng mga pribadong grupo bilang donor ng anti COVID 19 vaccine na gawa ng AstraZeneca.
Inihayag ni Galvez ang 2.6 milyong doses ng Astra Zeneca vaccine ay bahagi ng isinusulong na mass vaccination ng pamahalaan para sa 60 milyong pinoy para makontrol ang pandemya ng COVID 19 sa bansa.
Niliwanag ni Galvez na sisikapin pa ng pamahalaang Pilipinas na maisara ang kasunduan sa iba pang kompanya na gumagawa ng anti COVID 19 vaccine tulad Pfizer ng Amerika, Sputnik V Gamaleya ng Russia at Sinovac ng China bago matapos ang buwan ng Disyembre ngayong taon.
Vic Somintac