Apat ang patay, dose-dosena ang sugatan sa prison riot sa Sri Lanka
COLOMBO, Sri Lanka (AFP) – Hindi bababa sa apat na inmates ang nasawi at 24 ang nasugatan, matapos magpaputok ang mga gwardiya pata mapigilan ang nangyaring riot sa isang piitan malapit sa kapitolyo.
Sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na si Ajith Rohana, na idineploy ang elite police commandos sa Mahara prison nang sumiklab ang riot, kung saan inirereklamo ng mga bilanggo ang overcrowded na kulungan sa pangambang mahawa sila ng COVID-19, at hiniling na maaga silang palayain.
Sa paunang ulat ng pulisya, isang bilanggo lamang ang namatay at tatlo ang nasugatan, subalit ayon sa mga doctor sa kalapit na Ragama hospital, apat na bangkay ng mga bilanggo ang dumating, habang 24 na iba pa na pawang sugatan ang na-admit sa pagamutan.
Ayon sa mga opisyal ng piitan, sinunog ng mga preso ang isang bahagi ng kulungan kayat ipinatawag nila ang mga bumbero para apulahin ang apoy.
Ang naganap na riot ay bunga ng ilang linggo nang kaguluhan sa ilang bilangguan sa magkabilang panig ng Sri Lanka, matapos lumampas sa 1,000 ang bilang ng COVID-19 cases sa mga piitan doon, kung saan dalawang bilanggo na ang nasawi dahil sa virus.
Nitong nakalipas na linggo ay isang preso rin ang namatay habang nagtatangkang sumampa sa pader ng isang kulungan sa central Bogambara region, habang nagkakagulo sa loob ng piitan.
Isinailalim sa lockdown ang mga bilangguan sa Sri Lanka nitong nakalipas na linggo, matapos iulat ng mga awtoridad ang pagtaas sa insidente ng mga hawaan sa kalipunan ng mga bilanggo at maging ng mga gwardiya.
Tumaas din ng anim na ulit ang bilang ng mga namatay sa COVID-19 ngayong buwan kung saan umabot ito sa 116, habang ang kabuuang bilang ng mga nahawaan ay higit doble na rin matapos umabot sa 23, 484.
Ang Sri Lanka ay nakapagtala na ng 19 na namatay dahil sa virus, mula sa 10, 424 nahawaan sa pagtatapos ng Oktubre.
@Agence France-Presse