Pangulong Duterte, nagbabala sa mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa Health protocol
Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa ipinatutupad na standard Health protocols para makaiwas sa COVID 19.
Sa kanyang weekly Talk to the Nation, sinabi ng Pangulo na hindi malayong matulad sa Amerika at mga bansa sa Europa ang Pilipinas na muling tumaas ang kaso ng COOVID 19 dahil sa katigasan ng ulo ng publiko.
Ayon sa Pangulo habang wala pang bakuna kontra sa COVID 19 ang tanging panlaban lamang ay magsuot ng facemask, maghugas ng kamay at social distancing.
Inihayag ng Pangulo na nakarating sa kanyang kaalaman ang nangyayari sa mga shopping mall, bazaar at tiangge lalo na sa Divisoria na hindi na nasusunod ang standard health protocols lalo na ang social distancing dahil sa pagdagsa ng mga mamimili.
Niliwanag ng Pangulo ang layunin ng gobyerno kaya unti-unting niluuluwagan ang pagbubukas ng mga negosyo ay para makapaghanap buhay ang mga mamamayan para mabuhay dahil hindi uubra na pagbabawalang hindi lumabas ng matagal ang taongbayan.
Dahil sa patuloy na banta ng kaso ng COVID-19 pinanatili ni Pangulong Duterte sa General Community Quarantine o GCQ mula December 1 hanggang December 31 ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan City, Davao City at Davao del Norte dahil sa malaki ang banta ng paglobo ng kaso ng Coronavirus lalo na ngayong holiday season hanggang sa pagsalubong ng bagong taon.
Vic Somintac