Kontrobersyal na coronavirus advisor ni US President Donald Trump, nagbitiw na
WASHINGTON, United States (AHP) – Nagbitiw na sa pwesto ang isa sa paboritong coronavirus advisor ni US President Donald Trump, na si Dr. Scott Atlas.
Ang pagbibitiw ay epektibo ngayong araw, December 1.
Ayon sa report, ang kontrata ni Atlas na kulang sa mga kinakailangang karanasan o kwalipikasyon sa public health o infectious disease, ay nakatakda na ring mag-expire sa huling bahagi ng linggong ito.
Sa kaniyang resignation letter ay pinasalamatan nito si Trump, at hiniling na maging mabuti ang lahat para sa administrasyon ni President-elect Joe Biden.
Si Atlas ay naging kontrobersyal sa panahon ng kaniyang panunungkulan, at ang kaniyang pagbibitiw ay nakasabay pa ng pag-akyat ng kaso ng COVID-19 sa buong Amerika.
Mahigpit na tinutulan kapwa ng scientific at public health community ang expertise at qualifications ni Atlas para sa kaniyang posisyon.
Noong Oktubre, nag-tweet sya na ang pagsusuot ng face mask ay hindi epektibo, sa kabila ng napakalaking scientific evidence na nagpapatunay sa benepisyo ng pagsusuot ng mask. Itinago naman ng Twitter ang mensaheng ito ni Atlas bilang isang “misinformation.”
Nagpaunlak din ito ng isang panayam sa Russian state-controlled TV channel RT, kung saan minaliit niya ang kalubhaan ng pagkalat ng COVID-19 sa mga estado ng Amerika.
Nitong Nobyembre ay hinimok niya ang mga tao sa Michigan na tutulan ang COVID-19 measures, gaya ng lockdowns para mapabagal ang pagkalat ng virus, sa halip na lumahaok sa mga pagsisikap na malabanan ang pandemya.
Hanggang kagabi, Nov. 30, ang US ay nakapagtala na ng 13,522,247 coronavirus cases at 267,844 na ang namatay, na kapwa pinakamataas sa buong mundo.
© Agence France-Presse