Limampu’t tatlo katao, ipinakulong sa China dahil sa factory blast
BEIJING, China (AFP) — Ipinakulong ng isang korte sa China ang 53 katao, matapos silang hatulan sa kasong kinabibilangan ng bribery at negligence , kaugnay ng malawakang chemical factory explosion sa eastern China noong nakalipas na taon, na ikinasawi ng 78 katao.
Ang pagsabog sa Jiangsu province noong March 2019, ay isa sa pinakagrabeng industrial accidents sa China sa mga nakalipas na taon, na nagbunsod sa pagsasara ng planta.
Ang mga executive at empleyado ng Jiangsu Tianjiayi Chemical company ay binigyan ng sentensyang mula 18-20 taong pagkakabilanggo.
May mga lokal na opisyal din na nabigyan ng katulad na sentensya.
Natuklasan ng korte sa Yancheng city ng Jiangsu, na ang kompanya ay nagproduce at nag-imbak ng mapanganib na mga kemikal at waste material, kahit na ang kanilang storage ay hindi pasado sa safety requirements.
Napatunayan din ng korte na ang mga dokumento ay pinalsipika ng anim na local government agencies, kabilang na ang environmental protection authorities ng syudad, upang itago ang panganib sa mga aktibidad ng Tianjiayi, kung saan ilang mga opisyal ang tumanggap ng suhol.
Ang pagsabog na nagmula sa isang sunog sa fertilizer factory ng Tianjiayi, ay nagwasak sa katabing industrial park, bumasag ng mga bintana at yumupi sa bakal na pintuan ng garahe ng mga gusali, na apat na kilometro o 2.5 milya ang layo mula sa site.
Pangkaraniwan na ang mga nakamamatay na industrial accidents sa China, dahil hindi mahigpit ang pagpapatupad ng safety regulations.
Noong 2015, isang massive chemical blasts sa northern port city ng Tianjin ang ikinasawi ng hindi bababa sa 165 katao.
© Agence France-Presse