Guidelines para sa implementasyon ng 4-day work week schedule sa lower courts, inilabas ng OCA
Epektibo na simula ngayong December 1 ang four-day work week schedule sa Korte Suprema at sa mga first at second-level courts sa bansa.
Una nang inaprubahan ng Supreme Court ang pagpapatupad ng four-day work week sa mga kawani nito habang nasa ilalim ng state of public health emergency ang Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, inilabas ng Office of the Court Administrator ang mga guidelines sa implementasyon ng bagong work schedule sa mga lower courts.
Nilinaw na mananatiling pisikal na bukas ang mga hukuman mula Lunes hanggang Biyernes at mag-o-operate nang hindi bababa sa 80% ng kanilang empleyado.
Pero apat na araw lamang ang pasok ng mga court employees mula ala-7:30 ng umaga hanggang ala-5:30 ng hapon o katumbas ng 10 oras kada araw.
Ito ay para makasunod sa inoobligang 40 hours na pasok ng mga government employees kada linggo.
Moira Encina