Nasal spray para sa COVID-19 prevention, dini-develop ng US scientists
WASHINGTON, United States (AFP) — Pinag-aaralan ng mga scientist sa University of Pennsylvania at sa biotech firm na Regeneron, kung ang teknolohiyang dinivelop para sa gene therapy ay maaaring gamitin sa paggawa ng nasal spray na pipigil sa infection ng COVID-19.
Ang ideya ay gamitin ang isang weakened virus bilang delivery truck para magdala ng genetic instructions sa cells ng ilong at lalamunan, na lilikha naman ng powerful antibodies upang pigilan ang SARS-CoV-2 na makapasok sa katawan.
Sinabi ni James Wilson, isang propesor ng medisina sa Penn na siyang nangunguna sa proyekto, na ang bentaha ng kanilang approach ay hindi na kailangan ng competent immune system para ito maging effective.
Ang teknolohiya ay kasalukuyang sinusubok sa mga hayop at naniniwala si Wilson na kapag naging matagumpay, ay makapagbibigay sa tao ng mga anim na buwang proteksyon mula sa single dose na ii-ispray sa ilong, na aakma naman sa mga bakuna na maaaring maaprubahan na sa lalong madaling panahon.
Si Wilson ay isang pioneer ng gene therapy, kung saan naglalagay siya ng genetic code sa cells ng isang pasyente para sa mga depekto at treatment ng sakit.
Nadiskubre ng kaniyang grupo na ang Adeno-Associated Virus (AAV) group of viruses, na nakaka-infect kapwa sa mga tao at mga hayop pero hindi nagdadala ng sakit, ay pwedeng gamiting tagadala ng healthy DNA sa cells.
Ang approach na ito ang nagbigay daan noong 2019 para maaprubahan ang Zolgensma, ang unang gamot para sa treatment ng spinal muscular atrophy, at ngayon ay pinag-aaralan naman ang AAVs para sa dose-dosena pang aplikasyon.
Si Wilson ay kinausap ng US government noong Pebrero, upang tingnan kung pwede niyang gamitin ang nabanggit na teknolohiya laban sa COVID-19.
Subali’t hindi makapagpapatuloy ang kaniyang grupo, hanggat hindi nadidivelop ng Regeneron ang dalawang lab-made antibodies laban sa coronavirus, na didikit sa surface protein ng pathogen at pipigil dito sa pagsalakay sa ating mga selula.
Ang Regeneron antibodies ay isinasailalim din sa clinical testing, subalit nabigyan na ng emergency approval para sa mga pasyenteng may mild o moderate COVID-19 na mataas ang panganib na lumubha ang lagay. Ginamit din ito sa treatment ni US President Donald Trump.
Dahil ang coronavirus ay pumapasok sa baga sa pamamagitan ng nasal passage, mapipigilan ng spray ang infection na umabot pa sa baga.
Bukod dito, ang AAVs ay nagreresulta lamang sa mild immune response kaya ang side effects ay maaaring mahina rin kumpara sa mga bakuna, na ang trabaho ay i-train ang immune system na i-recognize ang isang pangunahing protein ng virus.
Umaasa ang Penn at Regeneron, na makukumpleto nila ang kanilang animal studies sa Enero, bago sila mag-apply sa Food and Drug Administration upang simulan ang human trials.
© Agence France-Presse