Former US Presidents, handang isapubliko ang pagpapabakuna ng coronavirus vaccine
WASHINGTON, United States (AFP) — Nagboluntaryo ang mga dating pangulo ng Estados Unidos na sina Barack Obama, George W. Bush at Bill Clinton na isapubliko ang kanilang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine, kung makatutulong ito upang magkaroon ng tiwala ang publiko sa bakuna.
Sa isang panayam ay sinabi ni Obama, na payag siyang magpabakuna kapag sinabi ng top US infectious disease expert na si Anthony Fauci, na ang vaccine ay ligtas at magbibigay ng immunity laban sa COVID-19.
Dagdag pa ni Obama, handa rin siyang isa-publiko ang pagpapabakuna sa pamamagitan n g telebisyon o kunan ng video ang proseso para ipakita na tiwala siya sa siyensya.
Ayon sa chief of staff ni Bush na si Freddy Ford, nais din ng dating pangulo na makatulong sa promosyon ng vaccination.
Ngunit dapat munang matiyak na ang bakuna ay ligtas at ibibigay sa priority populations. Payag din aniya at masaya si Bush na gawin ang proseso sa harap ng camera.
Sinabi naman ni Angel Urena, press secretary ni Clinton, na handa rin ang dating pangulo na magpabakuna sa harap ng publiko sa pamamagitan ng telebisyon.
Ang mga bakunang dinivelop ng Pfizer-BioNTech at Moderna-NIH, ay inaasahang maaaprubahan na ng US authorities sa lalong madaling panahon.
Ayon sa isang top science official, umaasa ang Estados Unidos na mababakunahan na ang 100 milyong katao sa pagtatapos ng Pebrero.
© Agence France-Presse