Molecular laboratory ng President Ramon Magsaysay Memorial Hospital, handa nang maglingkod sa publiko
Ipinabatid ng pamunuan ng Provincial Health Office – President Ramon Magsaysay Memorial Hospital, na ang PRMMH – Molecular Laboratory ay handa nang maglingkod sa publiko.
Ang nasabing laboratoryo ay bukas, Lunes hanggang Biernes mula alas otso ng umaga (8:00AM) hanggang ala singko ng hapon (5:00PM).
Ang cut-off time naman ng laboratoryo sa pagtanggap ng mga specimen ay hanggang ala una ng hapon (1:00PM), dahil sa limitado pa ang kanilang “test kits”. Ang bilang ng test na kaya o pwedeng i-proseso sa loob ng isang araw ay 40.
Samantala, ang mga prayoridad na sasailalim sa testing ng laboratoryo ay ang mga sumusunod:
Mga may taglay na sintomas o “suspect cases” na may history of travel at exposure sa “probable o confirmed case,” mga nakaconfine sa PRMMH na kailangang sumailalim sa re-testing.
Kabilang din sa prayoridad ang mga sasailalim sa operasyon (elective or emergency), mga health care workers/frontliners, mga nasa edad 65 at may mga taglay na karamdaman tulad ng altapresyon, hika, kanser, diabetes at iba pa, at mga mga pasyenteng nagda-dialysis.
Bagamat limitado ang maaaring ma-test sa isang araw, tatanggap pa rin ang PRMMH ng mga wala sa nabanggit, ngunit sila ay ipadadala sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital Molecular Laboratory, at maari ring magpatest sa Philippine Red Cross Molecular Laboratory.
Ipinabatid din ng Provincial Health Office na may gugulin para sa testing ng specimen sa nabanggit na laboratoryo.
Sa mga miyembro ng PhilHeallth, 300 pesos ang kanilang babayaran para sa Miscellaneous Fee. Ang mga di naman kasapi ng PhilHealth, ay magbabayad ng P2,700.00 pesos, habang may diskwento namang 20% ang mga senior citizen at persons with disability o PWDs.
Ulat ni Mayvel Tugbo