Boto para kay Biden, umungos pa ng pitong milyon kontra boto para kay Trump
WASHINGTON, United States (AFP) – Lumawak pa ng higit pitong milyong boto ang election margin ng Democrat na si Joe Biden, kontra kay US President Donald Trump, habang patuloy ito at kanyang mga taga suporta sa pag-aangkin na nagkadayaan sa nagdaang halalan.
Ayon sa compiled data ng Cook Political Report, Isang buwan makalipas ang November 3 election, umabot na sa 81, 264, 673 ang boto ni Biden kumpara sa 74, 210, 838 ni Trump, mula ito sa kabuuang 158.4 million votes na nabilang na.
Katumbas ito ng solid 4.4 percentage point margin kumpara sa Republican president.
Nakuha ni Biden ang 306 na electoral votes para sa kaniyang pagkapanalo sa individual states, lampas sa kinakailangang 270 na kailangan para manalo sa pagkapangulo.
Patuloy namang iginigiit ni Trump na minaniobra ng Democrats ang botohan para makapandaya, at siya ang tunay na nagwagi kahit wala naman siyang maipakitang matibay na ebidensya.
Paulit-ulit nang nabigo ang administrative at court challenges ng kampo ni Trump, habang si Biden naman na kinilala na ng halos lahat ng lider sa buong mundo na siyang nanalo, ay kukumpirmahin na ng Electoral College na siyang nagwagi sa eleksyon, sa December 14.
Ang inagurasyon naman ni Biden bilang pangulo ay gaganapin sa Enero 20 ng susunod na taon.
© Agence France-Presse