Isandaang milyong COVID-19 vaccines, plano ng Moderna na maging available na sa unang bahagi ng 2021
WASHINGTON, United States (AFP) — Inanunsyo ng Moderna na plano nilang maging available na sa unang quarter ng 2021, ang 100 – 125 million doses ng kanilang COVID-19 vaccine, kung saan ang malaking bahagi nito ay mapupunta sa Estados Unidos.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Cambridge, Massachusetts-based company, na nasa pagitan ng 85 at 100 million doses ang ipamamahagi sa US, habang ang iba pang bahagi ng mundo ang tatanggap sa nalalabing 15-25 million doses.
Kinumpirma rin ng Moderna, na inaasahan nilang magiging available na rin ang 20 million vaccine doses sa US sa pagtatapos ng 2020.
Ilang buwan nang tinatrabaho ng kompanya ang kanilang American supply at production chain, bilang paghahanda para sa inaasahang emergency approval ng US Food and Drug Administration (FDA).
Para naman sa lahat ng bansa sa labas ng Estados Unidos, ang produksyon ay gagawin sa Switzerland.
Una nang sinabi ng US officials, na plano nilang ipamahagi ang 40 million vaccine doses sa katapusan ng 2020, kabilang yaong ginawa ng Pfizer-BioNTech.
Ibig sabihin, 20 milyong katao ang mababakunahan sa katapusan ng kasalukuyang taon, kung saan bawat isang tao ay bibigyan ng dalawang dose ng bakuna.
Ang Moderna vaccine ay rerepasuhin ng isang advisory committee ng FDA sa December 17, at maaaring mabigyan na ng go signal para sa emergency approval pagkatapos.
Ang FDA advisory committee meeting naman para sa Pfizer-BioNTech vaccine, na inaprubahan noong Mierkoles ng Britanya para sa general use, ay gaganapin sa December 10.
© Agence France-Presse