Kumalat na balitang isasailalim sa total lockdown ang NCR ngayong Holiday season, pakana umano ng mga kalaban ng administrasyon-Malakanyang
Nanindigan ang Malakanyang na fake news ang kumalat na balitang isasailalim sa total lockdown ang National Capital Region o NCR mula December 23 hanggang January 3 dahil sa umano'y paglobo ng kaso ng COVID 19 ngayong Holiday season. Sa kanyang regular na virtual press briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kagagawan ng mga kalaban ng administrasyon ang pagpapakalat ng fake news ukol sa total lockdown upang galitin ang publiko. Ayon kay Roque wala ng plano ang pamahalaan na muling magpatupad ng total lockdown dahil ito ay naging counter productive lalo na sa ekonomiya. Inihayag ni Roque malinaw ang patakaran ng Inter Agency Task Force o IATF na sa halip na total lockdown ay granular o localized lockdown ang ipatutupad sa mga lugar na mayroong paglobo ng kaso ng COVID 19 na pangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan. Iginiit ni Roque na huwag basta naniniwala sa mga kumakalat na balita sa mga text messages maging sa social media na ang layunin ay maghasik ng mga fake news at kalituhan sa taongbayan. Vic Somintac
Please follow and like us: