Higit isang milyong doses ng Chinese COVID-19 vaccine, natanggap na ng Indonesia
JAKARTA, Indonesia (AFP) – Natanggap na ng Indonesia ang 1.2 million doses ng isang COVID-19 vaccine na ginawa ng Sinovac ng China.
Dumating ito sa Jakarta ng Linggo lulan ng isang eroplano mula sa Beijing.
Samantala, 1.8 million doses pa ang inaasahang darating sa susunod na buwan.
Bagamat wala pang pinapayagan ang Chinese regulators para sa mass distribution sa alinmang bansa, inaprubahan nila ang ilang advanced candidates para sa emergency use.
Una nang sinabi ni Airlangga Hartarto, chief ng COVID-19 response team ng Indonesia, na ang unang batch ng bakuna ay eeksaminin ng food and drug agency, na ang plano ay ibigay ito sa medical workers at iba pang high-risk groups.
Ayon sa mga opisyal, eeksaminin din ng pangunahing Muslim clerical body ng Indonesia, ang Indonesia Ulema Council (MUI) ang unang consignment, para matiyak na nakasunod ito sa halal requirements ng pinakamalaking Muslim-majority nation.
Tinanggap naman ni Indonesian President Joko Widodo ang delivery.
Aniya, nagpapasalamat sila na available na ang bakuna at agad nilang mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 outbreak.
Ngunit binigyang diin nito na kailangan munang masunod ng maayos ang lahat ng procedures, para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko, at ang bisa ng bakuna.
Noong Agosto ay naglunsad ang Indonesia ng human trials ng Sinovac-made vaccine, kung saan nasa 1,600 volunteers ang lumahok sa anim na buwang pag-aaral.
Nagbayad ang Indonesian government ng nasa 637 billion rupiah o $45 million para sa tatlong milyong Sinovac doses. Nakatakda namang i-deliverng isa pang Chinese firm, ang CanSino ang dagdag na 100,000 pa.
Samantala, nakikipag-ugnayan na din ang Indonesia sa iba pang pharmaceutical firms, gaya ng UK-based AstraZeneca.
Ang Indonesia ay isa sa mga bansa sa Asya na pinaka grabeng tinamaan ng pandemya, kung saan nakapagtala ito ng 575,000 infections at higit 17,000 na ang namatay.
Gayunman ang tunay na bilang ay malawakang pinaniniwalaan na mas malaki pa, dahil ang Indonesia ang isa sa may pinakamababang testing rates.
© Agence France-Presse