Milyun-milyong Californians naka-lockdown, UK magsisimula nang magbigay ng bakuna
Naka-lockdown ngayon ang maraming residente sa California, kung saan 33 milyong katao ang nasa ilalim ng stay-at-home orders, habang patuloy na nakikipagbaka ang Estados Unidos sa COVID-19.
Dahil sa lockdown sa pinakamataong estado ng America, napilitan ang karamihan sa mga tanggapan na magsara at ipagbawal ang mga pagtitipon, habang isinara rin ang mga bar at iba pang services gaya ng hair salons, habang sa mga restaurant ay takeout lamang ang pinapayagan.
Una nang nagbabala si California Governor Gavin Newsom, na ang hospital system ng estado ay nanganganib na, sa dami ng mga pasyente.
Matatandaan na malawakang binatikos ang pagharap ng Estados Unidos sa COVID-19 pandemic, kung saan umabot sa higit 2,500 ang bilang ng namatay araw-araw sa loob ng limang araw nitong nakalipas na linggo.
Paulit-ulit ding minaliit ni US President Donald Trump at ng kaniyang senior officials ang panganib ng sakit, at hindi sinusunod ang basic public health measures gaya ng pagsusuot ng mask at social distancing sa mga mass rally at White House events.
Ang 76-anyos na personal lawyer ni Trump na si Rudy Giuliani, ay nagpositibo sa COVID-19 at naospital nitong Linggo. Siya ang pinakahuling miembro ng inner circle ni Trump na nahawaan ng sakit.
Ang dating New York mayor ay paroo’t parito sa magkabilang panig ng America, para pangunahan ang kampanya ni Trump sa nakalipas na November 3 election, at malimit na makitang walang suot na mask.
Samantala, nangako naman ang president-elect na si Joe Biden, na sa unang araw pa lamang ng kaniyang administrasyon ay pakikilusin na niya ang bawat kinauukulan sa gobyerno para labanan ang pandemya.
Kapag siya ay pormal nang naupo bilang pangulo ng America sa Enero 20, ay agad na sisimulan ni Biden ang paglulunsad ng immunization drive para makontrol ang pandemya na ikinamatay na ng 280,000 katao sa US.
Inaasahang bibigyan na ng US ng emergency authorization ang bakuna ng Pfizer at Moderna sa linggong ito, at umaasang mabakunahan ang milyun-milyong katao sa pagtatapos ng 2020.
Habang naghahanda ang mga bansa para sa maramihang pagbabakuna, kumilos naman ang UN General Assembly para ang December 27 ay gawing “International Day of Epidemic Preparedness,” kung saan nanawagan ito sa World Health Organization (WHO) na tumulong ukol dito.
Sinabi ng WHO, mas magiging epektibo para sa mga bansa na himukin ang kanilang mga mamamayan sa merito ng isang COVID-19 vaccine, sa halip na subukang gawing mandatory ang vaccination.
Ang unang paglulunsad ng Pfizer vaccine sa mundo ay nakatakdang magsimula sa Britanya sa Martes, kung saan magbo-boluntaryo si Health Secretary Matt Hancock na magpabakuna na mapapanood ng live sa telebisyon, upang mabawasan ang anomang alinlangan kaugnay ng rapid approval nito.
Ang Croydon University Hospital sa south London ang isa sa 50 clinical hubs na nagsimula nang tumanggap ng initial consignment ng 800,000 doses nitong weekend, mula sa Pfizer plant sa Belgium.
Ayon kay Louise Coughlan, joint chief pharmacist sa Croydon hospital trust, unang bibigyan ng bakuna ang mga nasa edad 80 at pataas, care home workers, at frontline staff sa National Health Service na ikinukonsiderang “higher risk.”
Sa kabilang dako, sinabi ni Prime Minister Justin Trudeau na idideliver ng Pfizer at BioNTech ang unang nilang doses sa Canada sa loob ng ilang linggo.
Humihiling naman ang dalawang Indian pharmaceutical firms — kabilang na ang Serum Institute, ang pinakamalaking manufacturer ng vaccines sa buong mundo na madaliin ang pag-apruba sa coronavirus vaccines.
Ang India ang ikalawang pinakagrabeng tinamaan ng pandemya sunod sa Estados Unidos, at nakapagtala na ng higit 140,000 COVID-19 deaths.
Maglulunsad naman ang estado ng Sao Paulo sa Brazil, ang sentro ng coronavirus infection doon, ng isang vaccination campaign mula Enero, kung saan uunahin nilang bakunahan ng Chinese-developed vaccine na CoronaVac ang healthcare workers, seniors at iba pang vulnerable groups.
Kaugnay nito, hinimok ni German Chancellor Angela Merkel ang mga rehiyon na may mataas na coronavirus rates na higpitan ang restrictions, habang sinabi naman ng Denmark na isasara nila ang middle at high schools, bars, cafes at restaurants sa kalahating bahagi ng bansa.
Pinalawig naman ng Greece ang kanilang restrictions hanggang sa January 7.
Samantala, inanunsyo ng Israel ang pagpapatupad ng isang nationwide night-time curfew mula December 9 kasunod ng paglaki ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Bunsod din ng pagtaas sa bilang ng mga kaso, ay muling magpapatupad ng weekend quarantine simula sa Dec. 10, ang Santiago metropolitan area, ang pinakamataong lugar sa Chile.
Habang nagpaplano ang mundo para sa pansamantalang pagbabalik sa normal na buhay, sinabi ng World Economic Forum na ang Davos summit na gaganapin sa Mayo ng susunod na taon, ay ililipat sa Singapore mula sa Switzerland.
Sa New York naman na naging global epicenter ng Covid deaths sa mga unang bahagi ng 2020, ay muli nang nagbukas ng public elementary schools nitong Lunes, habang sinisikap ng mga awtoridad sa buong mundo na balansehin ang pagbabalik sa normal nang hindi mati-trigger ang panibagong paglaki sa bilang ng infection.
© Agence France-Presse